Questions
-
BAKIT KINAKAILANGAN KONG MAG-KUMPISAL?
Kung hindi ka nakakapangumpisal sa mahabang panahon na, ang Simbahang Katoliko ay nagnanais na tanggapin ka, at naga-anyaya sa iyo na makilahok sa napakagandang sakramento na ito na nagpapagaling. Mag isang hakbang ka ng pananampalataya.
Mamamangha ka sa kakaibang kalayaang mararamdaman mo matapos mong tanggapin ang Sakramento ng Pakikipagkasundo.
Maraming mga Katoliko ang naghayag nang kakaibang damdamin ng kapayapaan, kagalakan, at pag-ibig na kailanman ay hindi nila naranasan. Si Hesus ay naga-anyaya sa iyo upang maranasan mo ang Kanyang Awa sa paraang ito. -
ANO ANG MGA BENEPISYO SA PANGUNGUMPISAL?
1. Ang Kumpisal ay tumutulong upang mas makilala mo ang iyong sarili.
Si San Agustin at marami pang ibang mga banal at mga Doktor ng Simbahan ay nagpahayag ng kahalagahan ng pagkilala sa ating sarili. Sa pagkilala natin sa ating sarili, mas nauunawaan natin ang ating abang katauhan, at ang matindi nating pangangailangan sa tulong ng Diyos at nang grasyang kinakailangan natin sa ating buhay. Ang madalas na kumpisal ay nagpapaalaala sa atin na umasa sa Diyos na tulungan tayong itakwil ang ating mga kasalanan.
2. Ang Kumpisal ay nakakatulong sa pagdaig sa bisyo.
Ang grasyang ating tinatanggap sa Sakramento ng Kumpisal ay nakakatulong sa ating pakikipaglaban sa ating mga kamalian at mga kahinaan, at sa mas madaliang pagsugpo sa ating mga bisyo na hindi nating kayang gawin kung walang biyaya ng sakramento.
3. Ang Kumpisal ay nagdudulot ng kapayapaan.
Ang hatol sa ating mga pagkakasala ay nagbibigay ng kalituhan sa ating sariling kalooban at nagdudulot ng pagkawala ng kapayapaan at sigla. Kung napapakinggan natin ang mga mapagpatawad na mga salita ng Diyos para sa atin na nagmumula sa bibig ng pari sa Kumpisal, ang mabigat na pasanin sa ating mga balikat ay nawawala at muli ay nakadarama tayo ng kapayapaan ng puso at kaluluwa na nagmumula sa pagkakaroon muli ng magandang relasyon sa Diyos.
4. Ang Kumpisal at nakakatulong sa ating pagiging mas banal, na tulad ni Hesus.
Si Hesus ay lubos na mapagkumbaba, lubos na mapagbigay, lubos na mapagtiis, lubos na mapagmahal – lubos sa lahat! Hindi mo ba ninanais na maging mapakumbaba, mapagbigay, mapagtiis, at mapagmahal na tulad ni Hesus? Ang mga Banal sa buong kasaysayan ay nakadama rin ng ganoon at madalas na tumanggap ng Sakramento ng Pakikipagkasundo upang matulungan sila sa pagbabago tungo sa pagiging mga taong mas natutulad kay Kristo. Sila ay mga munting kaanyuan ni Kristo – ganoon ang mga banal.
5. Ang Kumpisal ay nagpapalakas sa ating paninindigan.
Sa tuwing maranasan natin ang Sakramento ng Kumpisal, pinalalakas ng Diyos ang ating paninindigan at ang ating pagtitimpi laban sa mga tuksong pirming hinaharap natin sa ating mga buhay. Mas nagiging malakas ang ating paninindigang sundin ang kalooban ng Diyos at hindi ang ating mga kapritso.
Syempre pa, ang talaan ng mga benepisyo ng Sakramento ng Kumpisal ay nagpapatuloy! Ngunit kinakailangan mong anihin ang mga benepisyo! Ang regular na kumpisal ay tunay na magpapabago sa iyong buhay. Ano ang pumipigil sa ‘yo sa Pakikipagkasundo?
Ang mga salita ng kapatawaran sa Kumpisal ay tunay na napakaganda: “Pinapatawad kita sa iyong mga kasalanan, sa ngalan nang Ama at nang Anak at nang Espiritu Santo.” Hinihintay ni Hesus na mapatawad ka – ang kailangan mo lang na gawin ay ang humiling! Huwag mo nang ipagpaliban ang kapangyarihang pagpapagaling ng Kumpisal. -
ANO ANG IBA’T IBANG MGA PANGALAN SA SAKRAMENTO AT ANG MGA IDINUDULOT NITO?
Dito, ang Katesismo ng Simbahang Katoliko ay nagpapaliwanag ng Sakramento ng Pakikipagkasundo, ang iba’t ibang mga pangalan at ang mga grasyang dumadaloy mula sa sakramento:
“Ang mga lumalapit sa sakramento ng Pagpapahirap ay tumatanggap ng kapatawarn mula sa Awa ng Diyos sa mga kasalanan laban sa Kanya, at, sa oras ding iyon, ang pakikipagkasundo sa Simbahan na nasugatan ng kanilang mga kasalanan at sa pamamagitan ng kawanggawa, ng pagiging huwaran, at ng pananalangin, ay mga gawain para sa kanilang pagbabagong-loob. (CCC 1422)”.
“Tinatawag din ito na sakramento ng pagbabalik-loob sapagkat ito ay ginagawang sakramental ang presensya ni Hesus na nagaanyaya sa pagbabalik-loob, ang unang hakbang sa pagbabalik sa Amang nilayuan ng tao dahil sa kanyang pagiging makasalanan.”
“Tinatawag din ito na sakramento ng Pagpapahirap, sa dahilang ito ay nagtatalaga sa Kristiyanong makasalanan ng kanyang mga personal at pangsimbahang mga hakbang tungo sa pagbabalik-loob, sa pagpapahirap at kasiyahan.”
“Tinatawag din itong sakramento ng kumpisal, sapagka’t ang pagsisiwalat o pangungumpisal ng mga kasalanan sa isang pari ay kinakailangang sangkap ng sakramentong ito. Sa tunay na pagkakahulugan, ito ay “pangungumpisal” – pagpapahayag at pagpuri – sa kabanalan ng Diyos at sa Kanyang awa para sa makasalanan.”
“Ito ay tinatawag ding sakramento ng pagpapatawad, sa dahilang sa pamamagitan ng pari na nagbibigay ng sakramento ng kapatawaran, iginagawad ng Diyos sa nagsisisi ang kapatawaran at kapayapaan.”
“Ito ay tinatawag ding sakramento ng Pakikipagkasundo, sa dahilang ipinagkakaloob sa nagkasala ang pagmamahal ng Diyos na nakikipagkasundo: ‘Makipagkasundo sa Diyos.’ Sinuman ang nabubuhay sa maawaing pagmamahal ng Diyos ay handing tumugon sa tawag ng Panginoon: “Humayo ka muna at makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid.’ (CCC 1423).” -
PAPAANO AKO MAKAKAGAWA NG MABUTING PANGUNGUMPISAL?
Ngayon nagpasya ka na ibig mong mangumpisal. Ngunit paano ka makakagawa ng mabuting pangungumpisal? Ang pangunahing pangangailangan para sa mabuting pangungumpisal ay ang pagkakaroon ng pagtitika na bumalik sa Diyos ng buong puso, tulad ng “alibughang anak,” at kilalanin ang iyong mga kasalanan ng may tunay na pighati sa harap ng pari.
Ang makabagong lipunan ay nawalan na nang pag-unawa sa kasalanan. Bilang mga Katolikong sumusunod kay Kristo, kailangang pagsikapan natin na kilalanin ang kasalanan sa araw-araw nating pagkilos, pananalita at pagpapabaya.
Ang mga Ebanghelyo ay nagpapakita sa atin ng kahalagahan ng pagpapatawad sa mga kasalanan. Ang mga buhay ng mga banal ay nagpapatunay na ang tao na lumalago sa kabanalan ay may mas malakas na pagkilala sa kasalanan, ng pagsisisi sa mga kasalanan at ang pangangailangan sa Sakramento ng Pakikipagkasundo. Hindi nakakapagtaka na ang mga banal ay punong-puno nang kagalakan! Napatunayan nila na ang susi sa pagpapaubaya nila ng kanilang mga pagpapakahirap kay Kristo sa pamamagitan ng Sakramento ng Kumpisal, upang maranasan nila ang kalayaang maglingkod sa Kanya ng may pagmamahal at kagilasan. -
BAKIT ANG MGA KATOLIKO AY IKINUKUMPISAL ANG KANILANG MGA KASALANAN SA PARI AT HINDI SA DIYOS?
Ang mabilis na kasagutan dito ay sa kadahilanang ito ang paraang ibig ng Diyos na gawin natin. Sa Santiago 5:16, iniutos ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan na “ikumpisal natin sa isa’t isa ang ating mga kasalanan.” Ang Kasulatan ay hindi nagsasabi na ikumpisal ang iyong mga kasalanan ng tuwiran sa Diyos at sa Diyos lamang – sinasabi dito na ikumpisal natin sa isa’t isa ang ating mga kasalanan. Sa Mateo 9:6, sinabi ni Hesus na binigyan Siya ng kapahintulutan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan. At sinasabi rin sa talata 8, na ang kapahintulutang ito ay iginawad sa “,mga tao” … pangmaramihan. Sinugo ni Hesus ang Kanyang mga disipulo na may kapahintulutan sa bawa’t isa na magpatawad ng mga kasalanan. Tuwing ang mga Katoliko ay mangungumpisal sa pari, tayo ay sumusunod lamang sa panukalang ibinigay ni Hesukristo. Nagpapatawad Siya ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pari … ito ay ang kapangyarihan ng Diyos, na ginagamit Niya sa pamamagitan ng paglilingkod ng pari.