SI MARIA AT ANG MGA SANTO

Ang mga Katoliko ay naniniwala na ang pagsamba ay nauukol sa Diyos lamang. Subalit ang mga Katoliko ay nagbibigay pitagan kay Maria. Sa ibang salita, ating pinararangalan ang ating Pinagpalang Ina ng may lubusang paggalang at pananalangin dahil siya ang Ina ng Diyos. Si Maria ang modelo ng ganap na pagmamahal at pagiging masunurin kay Kristo. Pinagadya ng Diyos si Maria sa kasalanan, at ipinaglihi ni Maria ang ating Panginoon sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at iniluwal niya si Kristo ditto sa mundo. Kaya’t ang mga Katoliko ay nagbibigay pitagan kay Maria, na napupuno ng gracia, Ina ng Diyos at Ina nating lahat, sa kanyang pagsagot ng “Oo” sa Diyos kaya nangyari ang pagkakatawang tao. Kung hindi nangyari ang pagkakatawang-tao, hindi tayo magkakaroon ng kaligtasan. Si Maria ang pinakamagandang modelo ng lubusang pagpapaubaya sa kalooban ng Diyos. Ang Katesismo ng Simbahang Katoliko (Catechism of the Catholic Church) ay nagpapaliwanag na “ang pagganap ni Maria sa Simbahan ay hindi kailanman maihihiwalay sa kanyang pakikipagkaisa kay Kristo at tuwirang dumadaloy mula roon” (CCC964).

Bilang mga Katoliko, nanalangin tayo na makatugon tayo sa panawagan ng Diyos tungo sa kabanalan sa ating mga buhay sa pamamaraang ginawa ni Maria. Si Mother Theresa ay nanalangin upang tularan ang pananalangin ni Maria kay Kristo:

“Maria, Ina ni Hesus, ipagkaloob mo sa akin ang iyong pusong napakaganda, dalisay, busilak, punong puno ng pagmamahal at pagpapakumbaba upang matanggap ko si Hesus sa Tinapay ng Buhay, mahalin Siya gaya ng iyong pagmamahal sa Kanya, at paglingkuran Siya tulad ng paglilingkod mo sa Kanya …”

Mga Katanungan

Sa 1 Timoteo, sinasabi na si Hesus ang kaisa-isahang tagapamagitan, ngunit tayo ay nananalangin kay Maria at sa mga Banal. Hindi ba ito taliwas sa Bibliya?

1 Timoteo 2:15 ay nagsasaad: “Sapagkat iisa ang Diyos, at tanging si Hesukristo lamang ang Taong Tagapamagitan sa atin at sa Diyos …” Marami ang naga-aakala na ang pamamaraan ng pagdadasal sa mga santo ay taliwas sa Bibliya, at nagsasabi na ang ginagawa ng mga Katoliko ay ginagawa silang mga tagapamitan ng tao sa Diyos at binabawasan ang pagganap ni Hesus bilang nagi-isang Tagapamagitan. Subalit hindi ito ang tamang pagkakahulugan sa talatang iyon. Tingnan natin kung bakit hindi … Sa Lumang Tipan, si Moses, Abraham, and Job ay namagitan para sa ikabubuti ng mga tao … iyon ang ibig sabihin nang mamagitan sa Diyos at sa tao. Alam natin na nakakatulong ang paghingi sa ating kapwa dito sa lupa ng tulong sa pananalangin para sila ang mamagitan sa atin at sa Diyos. Kaya mayroon tayong sitwasyon dito kung saan ang talata ng Bibliya ay mali ang pagpapakahulugan kung kaya’t naiiba ang pang-unawa.

Iisa lamang ang Tagapamagitan sa Diyos at sa tao, ang Taong si Hesukristo, ngunit bilang mga alagad ng Katawan ni Kristo, pinapahintulutan Niya tayo na makibahagi sa Kanyang pagiging mamagitan.

Bukod doon, sinasabi sa Kasulatan na iisa ang ating naging pundasyon, si Hesukristo (1 Corinto 3:11); subalit, sinasabi sa Kasulatan na mayrong higit sa isang pundasyon (Epeso 2:19-20). SSinasabi sa Kasulatan na mayroon tayong isang Panginoon, si Hesukristo (Epeso 4:4-5); subalit, sinasabi rin sa Kasulatan na mayroong higit sa isang Panginoon (Pahayag 19:16). Sinasabi rin sa Kasulatan na iisa lamang ang ating Hukom, si Hesukristo (Santiago 4:12); pero sinasabi rin sa Kasulatan na higit sa isa ang Hukom (1 Corinto 6:2).

Hindi ito mga pagsasalungatan sa Kasulatan, kung ang mga talatang ito ay tama ang pang-unawa. Si Hesus lamang ang Pundasyon; si Hesus lamang ang Panginoon; at si Hesus lamang ang Hukom. Ngunit tayo ay mga bahagi ng Katawan ni Hesus. Kung kayat sa tulong ng mga grasyang ipinagkaloob ni Kristo, nakakabahagi tayo sa pagganap ni Kristo bilang Pundasyon, bilang Panginoon, bilang Hukom at sa iba pang mga bahaging nau-ukol kay Kristo. Ang isa pang halimbawa, ang ama ay nakikibahagi sa pagganap ng Diyos bilang Ama, sa tulong ng Kanyang grasya. Kaya, ganoon din, tayo at ang mga banal sa Langit, at ang mga anghel sa Langit, ay nakikibahagi sa pagganap ni Kristo bilang Tagapamagitan.
Sa Roma kabanata 3, sinasabi na walang matuwid at lahat ay nagkasala, bakit ang Simbahang Katoliko ay nagtuturo na si Maria ay walang kasalanan … maipapaliwanag mo ba ng ayon sa sinasabi sa Roma 3?

Sinasabi sa Roma 3:10, “… Ayon sa nasusulat, ‘Walang matuwid, wala kahit isa’” Subalit, sinasabi sa Santiago 5:16 na ang panalangin ng matuwid na tao ay malaki ang nagagawa. Kung walang sinuman ang matuwid, sino ang tinutukoy ni Santiago? Sinasabi sa Lucas 1 na si Elizabeth at Zechariah ay mga matuwid sa paningin ng Diyos. Kung walang sinuman ang matuwid, paano mangyayari iyon? Ang Kasulatan ba ay sumasalungat sa kanyang sarili? Hindi. Subalit, kailangan nating siguraduhin ang tamang pagkakahulugan sa Roma, at nangangahulugan na ang susi sa pag-unawa sa Roma 3:10 ay ang panalitang, “ayon sa nasusulat.” Dito sa Roma, tinukoy ni Pablo mula sa Lumang Tipan, Awit 14 na nagsasabi, “Ang sabi ng hangal sa kanyang sarili, ‘Wala namang Diyos! Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa; walang gumagawa ng kabutihan.” Subalit yong mismong awit na iyon ay patuloy na nagpapatungkol sa “kabutihan”. Kaya’t, kung walang gumagawa ng kabutihan, sino itong mga matuwid ang tinutukoy sa Awit? Maliwanag na noong sabihin ng manga-awit na walang gumagawa ng kabutihan, ang tinutukoy niya ay yong mga hangal na nagsasabing walang Diyos. Hindi niya tinutukoy ang pangkalahatan. Ganoon din kay San Pablo noong tumutukoy siya sa awit na ito. Hindi naman sinasabi ni Pablo na walang sinuman ang mabuti; kung sinabi niya iyon, mahihirapan tayong magpaliwanag ng lahat ng mga talata sa Luma at sa Bagong Tipan na tumutukoy sa mga mabubuti. Sinasabi sa Roma 3:11 na walang naghahanap sa Diyos. Nangangahulugan ba ‘yon na wala sinuman ang naghahanap sa Diyos? Hind, ang pagkakahulugan sa ganoong paraan ay kakaiba.

Ganoon din sa talata 23, na nagsasabi na “ang lahat ay nagkasala.” Ang mga sanggol ay hindi pa nagkakasala. Ito ay hindi nakapangyayari. Mayroong mga pasubali. Ito ay isang bagay na dapat pag-isipan. Kaya, tama lamang na sabihing ang mga talatang ito mula sa Roma, kung bibigyan ng kahulugan base sa nilalaman, ay salungat sa itinuturo ng Simbahan tungkol kay Maria na walang kasalanan.
Bakit tinatawag ng mga Katoliko si Maria na Reyna ng Langit? Hindi ba kinagalitan ng Diyos ang mga Israelita sa Lumang Tipan sa pagsamba sa mga diyos-diyosan na tinawag nilang Reyna ng Langit? Kaya’t hindi natin dapat tawagin si Maria ng ganoon din, dahil titulo ‘yon ng isang diyos-diyosan?

Sa Jeremias 7:18, tunay na nagalit ang Diyos sa mga Israelita sa pagsamba sa diyos-diyosan na tinawag nilang “reyna ng langit”. Ngunit hindi komo kinagalitan sila ng Diyos dahil sa pagsamba sa diyos-diyosan ng langit, hindi ito nangangahulugan na hindi tayo pinapahintulutang magbigay puri sa tunay na Reyna ng Langit … ang ating Pinagpalang Ina. Ang gano’ng uri ng kaisipan ay magiging palaisipan sa iyo na dahil sumasamba ang mga tao sa diyos-diyosan na tinatawag nilang “diyos”, tayo ay hindi dapat tumawag sa ating tunay na Diyos, ng gano’n ding pangalan … Diyos … dahil kapareho ng pangalang ibinibigay ng mga sumasamba sa hindi tunay na Diyos. Iyon ay maling lohika. Gayundin, kung mayroong hindi tunay na “reyna ng langit”, hindi nangangahulugang sumasamba tayo sa diyos-diyosan kung tinatawag natin si Maria na “Reyna ng Langit”. Kung kaya’t, dahil sa mayroong hindi tunay na “diyos”, hindi dapat natin isiping sumasamba tayo sa hindi tunay na diyos tuwing tumatawag tayo sa Diyos Ama natin sa Langit.

Mayroong tunay na Reyna ng Langit na malinaw na sinasabi sa Pahayag 12:1: “Kasunod nito ay lumitaw sa langit ang babaing nadamitan ng araw at nakatuntong sa buwan: ang ulo niya ay may koronang binubuo ng labindalawang bituin.” Kaya sa talatang ito, nababasa natin na ang babae … siya ay nasa Langit … at siya ay may korona sa kanyang ulo. Siya ang tunay ng Reyna ng Langit, si Maria, and ina ng lalaking sanggol na siyang mamumuno sa mga bansa.

Bilang mga Katoliko, hindi natin sinasamba si Maria; pinararangalan natin siya, tulad ng parangal sa kanya ni Hesus. Kung kaya’t, batay sa Kasulatan, walang masama sa pagtawag kay Maria bilang Reyna ng Langit, at sa parangal sa kanya tulad ng parangal na ibinibigay ni Hesus sa kanya.
Malinaw na isinasaad sa Bibliya na si Hesus ay may mga kapatid na lalaki at babae, ngunit ang itinuturo ng Simbahang Katoliko ay si Maria ay kahit kailanman ay nanatiling birhen … paano mo mapapagkasundo itong magkaibang pananaw?

Sinasabi sa Marcus 6:3, “Hindi ba ito and karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kailangan nating malaman ang mga bagay-bagay dito tungkol sa mga “kapatid na lalaki at babae.” Una, walang salita para sa pinsan, o sa pamangkin na lalaki o babae, o sa tiya o tiyo sa lumang salitang Hebreo o Aramaic – ang mga salitang ginagamit ng mga Hudyo noong panahong iyon ay “kapatid na lalaki” o “kapatid na babae”. Ang isang halimbawa nito ay mababasa sa Genesis 14:14, kung saan si Lot, na pamangking lalaki ni Abraham, ay tinawag na kapatid na lalaki. Ang isa pang maisasaalang-alang: Kung si Hesus ay may mga kapatid na lalaki, kung si Maria ay may mga anak na lalaki, hindi ba mahirap paniwalaan na ang huling bagay na ginawa ni Hesus dito sa lupa ay ang saktan ang kalooban ng kanyang mga maiiwang mga kapatid na lalaki? Ang tinutukoy ko ay ang nasa Juan 19:26-27, bago namatay si Hesus, itinagubilin ni Hesus sa kanyang mahal na disipulong si Juan ang pangangalaga sa Kanyang ina. Kung si Maria ay mayroong iba pang mga anak na lalaki, para na ring sinampal sila sa mukha na si Juang Apostol ang pinaghabilinan ni Hesus para pangalagaan ang kanilang ina. Bukod dito, mababasa natin sa Mateo 27:55-56 na si Santiago at Juan na tinawag sa Marcus 6 bilang mga “kapatid na lalaki” ni Hesus ay mga anak ng isa pang Maria. Ang isa pang talata na dapat isaalang-alang ay ang Mga Gawa 1:14-15: “Lagi silang nagsasama-sama sa pananalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Hesus; gayundin ang mga kapatid ni Hesus … nagkakatipon ang may 120 kapatid.” Ang samahan ng may 120 mga tao na kinabibilangan ng mga Apostoles, si Maria, and mga kababaihan, at ang mga “kapatid na lalaki” ni Hesus. Ang mga kababaihan marahil ay ang tatlong mga babaeng binanggit sa Mateo 27, o kaya’y mga isa o dalawang dozena. Kaya, higit-kumulang ay 30 o 40. Kaya ang natitirang bilang ng mga kapatid na lalaki ni Hesus ay mga 80 o 90! Mahirap yatang pagtalunan na si Maria ay nagkaroon ng 80 o 90 na mga anak!

Kaya hindi masasabing ang mga pangaral ng Simbahang Katoliko ay taliwas sa Banal na Kasulatan tungkol sa mga “kapatid na lalaki” ni Hesus, kung and Banal na Kasulatan ay tama ang mga pagpapakahulugan sa mga nilalamang salita.

MAGHANAP NG PAROKYA NA BABALIKAN.

Kailangan ng gabay sa paghanap ng parokyang malapit sa inyo?

HANAPIN NGAYON