MARARANASAN MO ANG PAGMAMAHAL AT PAGTANGGAP SA PAGBALIK TAHANAN SA SIMBAHANG KATOLIKO.

May matandang kasabihan na “Minsang Katoliko, palaging Katoliko.” Marahil ay konting saglit o matagal ka nang napalayo sa Simbahan, nguni’t ngayon ay nakakaramdam ka nang udyok sa iyong puso na hinahatak ka pabalik sa Simbahang Katoliko. Bigyan-pansin ang udyok na iyon. Ito ay ang iyong Ama sa Langit na umaabot kamay sa iyo, ang Banal na Espiritu na bumubulong sa iyo, umaasang ikaw ay magbabaliktahanan.

Hangad namin na tatanggapin mo ito bilang paanyaya upang matuklasan mo ang katotohanan, panggigilalas at hiwaga ng pananampalayang Katoliko. Bilang mga kapatid mo sa sandaigdigang pamilyang Katoliko, ibig ka naming magbalik. Hinahanap-hanap ka namin, ang ating Simbahan ay hindi na tulad ng dati kung wala ka.

Anuman ang naging dahilan sa iyong paglisan o ang hindi mo na pagdalo sa Banal na Misa, anumang oras ay maaari kang magbalik at tumanggap na muli ng mga sakramento at ng kapunuan ng relasyon kay Hesukristo at sa Simbahang Kanyang itinatag. Tayo ay Katoliko. Maligayang pagbabalik.

TUKLASIN ANG PANGMATAGALANG KAPAYAPAAN NA SA DIYOS LAMANG NAGMUMULA.

Ang iyong Ama sa langit ay nagnanais na ikaw ay magbalik tahanan, at kami rin, ang iyong mga kapatid sa Katawan ni Kristo, ang Simbahan. Ang pananabik sa iyong puso ay magkakaroon ng kaganapan kay Hesus at sa Kanyang Simbahang Katoliko. Hindi ka nag-iisa. Hindi mabilang na mga kapatid mo kay Kristo ang nagbaliktahanan na, sa Kumpisal at sa Misa, at nakakaranas na sila ng galak sa panibagong relasyon sa Diyos na nagmamahal sa kanila at buong pusong tinatanggap sila. Ngayon, ikaw rin.

PAANO KO MADARAMA ANG MULING PAGTANGGAP NG SIMBAHANG KATOLIKO MATAPOS KONG MARANASAN ANG SAMA NG LOOB NA DULOT NG MGA TAONG SIMBAHAN?

Mahirap kung nararamdaman nating ang mga kapwa-Kristiyano ay hindi maka-Kristiyano ang ikinikilos sa atin o sa ibang tao. Totoong ang Simbahan ay binubuo ng mga makasalanan, ng di ganap na mga tao, na madalas ay nakakapanghina ng loob. Nguni’t kaysa mapalayo ka sa Banal na Pakinabang at sa Simbahang Katoliko na itinatag ni Kristo, pag-isipan mo na mas lalong kailangang kumapit ka kay Hesus, dahil hindi ka Niya bibiguin. Mas makakatulong, sa mga panahon ng mga pagsubok at pagkasakit, na alalahanin kung bakit ikaw ay Katoliko – hindi dahil sa ang mga Katoliko ang kumakatawan ng awa at pag-ibig ni Hesus na may kapunuan, kung hindi ay dahil sa ang Simbahang Katoliko ay itinatag ni Hesus, naglalapat ng mga sakramento, nagtataglay ng kabuoan ng Katotohanan, tumutulong sa ating lahat upang maging malapit tayo sa Diyos at lumago sa kabanalan. Huwag hayaang ang mga ikinikilos ng ilan ay magdulot ng kawalan ng iyong pananampalaya sa buong Simbahan. Ipagtapat mo sa pari o diyakono sa iyong parokya ang iyong mga kabiguan, at umpisahan mong tahakin ang landas pabalik sa maligayang pagsalubong sa iyong tahanan. Higit sa lahat, huwag kang mawawalan ng pag-asa. May mga taong maaring makasakit ng loob, nguni’t ang Diyos ay hindi nagpapabaya sa atin, at lagi Siyang nasa Simbahang Katoliko na Kanyang itinatag.

Anong mga hakbang ang aking susundin sa pagbabalik ko sa Simbahang Katoliko?

Kilalanin na ang iyong Ama sa langit ay naghahangad na ikaw ay magbaliktahanan sa Kanyang Simbahan. Mangumpisal sa pari sa iyong parokya at pag-isipang ilahad ang iyong mga alintana at mga katanungan tungkol sa pagbaliktahanan. Magsimulang muli na dumalo sa Misa at mararanasan mo ang pakikiharap ni Kristo sa mga pananalangin sa liturhiya. Ang Bibliya at ang Katesismo ng Simbahang Katoliko ay naroon din para tulungan ka sa iyong pagbabaliktahanan, pati na ang mga pang parokyang mga ministeryo tulad ng Seremonya ng Kristiyanong Pagsisimula ng Mga Matatanda (RCIA) o ng local na grupo ng nagbabalikang mga Katoliko. Batid mo na hindi ka nag-iisa, at huwag kang mag-aatubili na hanapin ang mga kasagutan sa iyong mga katanungan, dito at sa iyong lokal na Katolikong pang-parokyang komunidad.

MAGHANAP NG PAROKYA NA BABALIKAN.

Kailangan ng gabay sa paghanap ng parokyang malapit sa inyo?

HANAPIN NGAYON