ANG PAGKAPARI

Noong Siya ay nasa lupa, si Hesus ay pumili ng mga kalalakihan na siyang magiging Kanyang mga apostoles at Kanyang binigyan sila ng kapangyarihan para ipagpatuloy ang Kanyang gawaing mangaral ng magandang balita at magpatawad ng mga kasalanan.

Mga Katanungan

Bakit ang mga babae ay hindi pwedeng magpari?

Ang turo ng Simbahan tungkol sa pago-ordine ng mga kalalakihan lamang sa pag-kapari ay nagmumula sa mga pangaral at mga pamamaraan na itinatatag ni Kristo. Noong Siya ay nasa lupa, si Hesus ay pumili ng mga kalalakihan upang Kanyang maging mga apostoles at Kanyang binigyan sila ng kapangyarihan upang ipagpatuloy ang Kanyang gawaing mangaral ng mabuting balita (Lucas 9:1-2) at magpatawad ng mga kasalanan (Juan 20-23).

Ang Katesismo ng Simbahang Katoliko (Catechism of the Catholic Church) ay nagpapaliwanag, “Kinikilala ng Simbahan na siya ay obligadong sumunod sa hinirang ng Panginoon mismo. Sa kadahilanang ito, ang pago-ordine sa mga babae ay hindi possible” (CCC 1577).

Si Hesus ay bumaba sa atin sa lupa sa kaanyuan ng tao. Makatuwiran lamang na ang pinili Niya na maging kahalili Niya – ang Kanyang mga “kinatawan” sa lupa – ay mga kalalakihan.

Bilang pangwakas, kahit na hindi natin lubos na nauunawaan kung bakit ginawa ni Kristo ang ganoong paghirang, alam natin na hindi naman Niya itinuturing ang kababaihan na mas mababa ang kalagayan kaysa mga kalalakihan. Nilinaw lamang ni Kristo na itong bokasyon ng – pagkapari – ay nakalaan para sa mga kalalakihan. Sa pagiging masunurin sa kalooban ng Diyos, ang Simbahang Katoliko ay nananatili at magpapatuloy na susunod sa pamamaraan ng pag-ordina sa pagkapari nang mga kalalakihan lamang.
Sinasabi sa Bibliya na walang dapat tawaging Ama, kaya bakit tinatawag natin ang ating mga pari ng “Ama (Father)”?

Sa Mateo 23:9, “Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa Langit.” Subalit kapuna-puna na walang binigay na pagtatangi sa pangkaluluwang ama tulad ng mga pari, at sa tunay na kadugong ama. Sa ibang salita, kung iyong bibigyan ng kahulugan ang talatang ito para sabihing, sa kasukdulan, na walang sinumang tao ang dapat tawaging ama, hindi mo makikita ang kaibahan ng pagtawag sa pari ng “Ama (Father)” at ang pagtawag sa ama na asawa ng iyong ina ang “Ama (Father)”. Subalit, ‘yon ba talaga ang ipinahihiwatig nang talatang ito? O hindi kaya binabalaan tayo ni Hesus laban sa pag-agaw sa pagka-Ama ng Diyos? Ang panghuling layunin, sa maraming bagay, ang siyang ginagawa ng mga Pariseo at mga Escribo. Ibig nilang ang lahat ng pansin ay mabuhos sa kanila … inihihiwalay nila ang Diyos Ama sa larawan, kung kaya’t ang banyag sa kanila ni Hesus ay mga ipokrito, mga mapaglinlang, at mapagkunwari.

Kung ang pakahulugan mo sa Mateo 23 ay ang mahigpit na pagbawal sa pagtawag sa kaninuman ng pangkaluluwang ama, mahihirapan kang unawain ang iba pang bahagi ng Banal na Kasulatan. Halimbawa, sinabi ni Hesus sa Lucas 16, sa kwento ni Lazarus at ng isang mayaman, na paulit-ulit na tinatawag ng mayamang tao si Abraham bilang “ama”. Si Pablo, sa Roma 4, ay binabanggit si Abraham bilang “ama” ng mga hindi pa tuli, mga Gentil. ‘Yon ang tukoy sa pangkaluluwang pagkaama, hindi sa tunay na kadugong pagkaama.

Sa Mga Gawa 7:1-2, and unang Kristiyanong martir, Stephen, ay tinawag ang mga Hudyong may kapahintulutan at mamumuno na babato sa kanya, mga kapatid at mga “ama”, tulad ni Pablo sa Mga Gawa 22. Ito ang pagtukoy sa pangkaluluwang pagkaama. Kung ang pakuhulugan mo sa Mateo 23 ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagtawag kaninuman bilang pangkaluluwang ama, kailangan mong ipangatwiran na si Hesus, Pablo, Stephen, at ang Banal na Espiritu ay gumawa ng malaking pagkakamali.

Nararapat lamang na tawagin ang mga pari ng “Ama (Father)”, tulad ng pagtawag nina Hesus at Pablo kay Abraham bilang “ama” at tulad ni Stephen at Pablo na tinawagan ang mga Hudyong pamunuan ng “ama”. Alalahanin natin na ang tunay nating Ama ay ang Diyos Ama at ang kalikasan ng paggiging ama, kadugong ama at pangkaluluwang ama, ay nagmumula sa Kanya, basta’t hindi natin hinahayaang may umagaw ng pagganap sa anumang paraan, hugis o anyo, tulad ng mga gawain ng mga Pariseo at Escriba.
Bakit ang mga paring Katoliko ay hindi pwedeng mag-asawa?

Isinulat ni Sa Pablo na “… Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon”. (1 Corinto 7:32). Ang pamumuhay ng hindi paga-asawa ay nagbibigay laya sa pari upang maibuhos ang kanyang atensyon sa gawaing pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos. Si San Pablo ay nagpahiwatig sa maraming pagkakataon na ang pananatiling walang asawa ay mas higit na dakilang pagkatawag. Ang mga pari ay tumugon sa ganoong pagtawag, kaya nabibilang sila sa mga bukod-tanging nakalaan para sa ganitong gawain. Bukod dito, ang pananatiling walang asawa ay nagpapahintulot sa pari upang mas higit niyang maisabuhay ang kagalingan ng kalinisan, na ginawang huwaran ni Kristo mismo. Ang Simbahan ay hindi namimilit sa kahit kanino na mag-asawa. Ang sinumang ibig manatiling walang asawa sa kanilang bokasyon ay kusang loob. Ang mga pari ay nabibilang sa mga taong malayang pinili ang panata ng hindi paga-asawa para sa kapakanan ng kanilang ministeryo sa mundo at bokasyon. Makatuwiran lamang na ang Simbahan – bilang Kasintahan ni Kristo – ay pinaglilingkuran ng mga birheng kaparian, na nag-aalay ng kanilang buhay para mapaglingkuran ang Kasintahan ni Kristo. Ang hindi paga-asawa ng kaparian ay dapat makita na magandang pag-aalay kay Kristo, isang kalugod-lugod na pagpapatotoo ng tunay na malasakit ng isang pari sa ating Panginoon at sa Simbahan.
Bakit nangyari ang lahat ng mga eskandalo ng mga pari?

Lahat tayo ay nakakarinig ng mga kwento tungkol sa mga kapulisan, mga manggagamot, mga tagapayo at mga kaparian na tinulikuran ang kanilang mga sagradong pangako. Ang mga taong ito ang kumakatawan sa mga bokasyon na inaasahan natin para gumabay, umasa, at tumulong. Ibig nating magtiwala sa kanila. Ngunit kung may isa sa mga taong ito ang lumabag sa ating tiwala, mas lalong masama at mahirap unawain sila kaysa kung ibang tao sa ating lipunan ang nagkasala. Datapwa, hindi makahulugan na iwanan natin ang paggalang sa mga mambabatas, sa mga nangangalaga sa ating kalusugan, edukasyon o sa Simbahan dahil lamang sa ang mga nanunungkulan ay hindi naging tapat sa kanilang mga propesyon at bokasyon kung saan sila tinawag ni Kristo. Isaalang-alang din natin ang mas nakakarami sa mga taong ‘yon na naglilingkod ng may kabayanihan at dapat halintularan. Sa Mateo 13:24-30inihalintulad ni Hesukristo ang Kanyang Simbahan, ang Kaharian ng Langit, bilang “parang ng mga trigo at damo,” na nagpapatunay na mayroong mabubuti at may masasama, may mga banal at may mga makasalanan at ang lahat nang pagitan sa Simbahan hanggang sa araw ng Kanyang pagbabalik para hatulan ang mga bayan. Nangangahulugan lamang na, nakakalungkot, may mga miyembro ng Kanyang Simbahan – pati na mga pari at mga Obispo – na nagkasala at nakasakit sa kapwa. Sa apostoladong liham ni Papa Juan Pablo II, “Tertio Millenio Adviente” (Patungo sa Ikatlong Milenio), pinatunayan niya na “… ang Simbahan ay kinakailangang maging mas ganap ang kaalaman sa pagiging makasalanan ng kanyang mga anak, habang ginugunita ang mga panahong yaon sa kasaysayan nang lumihis sila sa espiritu ni Kristo and ng Kanyang Ebanghelyo at, bagkus na ialay sa mundo ang pagiging saksi sa buhay na may pagpapahalaga sa pananampalataya, ay kumalinga sa mga pamamaraan ng kaisipan at gawaing salungat at eskandalo.” Sinabi rin niya na “Sa harap ng Diyos at ng tao, lagi nyang kinikilalang kanya itong mga makasalanang mga anak. Bilang pagpapatibay sa Lumen Gentium: “Ang Simbahan, sa pagyakap sa mga makasalanan sa kanyang dibdib, ay patuloy sa pagiging banal …” Ang Simbahan mismo ay tunay na banal, ngunit binubuo ng mga miyembrong makasalanan. Subalit, ang lahat ng mga nangyayaring eskandalo ay hindi pagsalungat sa katotohanan na itinuro Kristo sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang mga Apostoles (Marcos 16:15). Ipinangako ni Kristo, na sa kabila ng kahinaan at pagiging makasalanan – at sa kabila ng mga eskandalo – na idinulot ng mga pari at nang ibang mga Katoliko, “ang mga pintuan ng impiyerno kailanman ay hindi magwawagi laban” sa Simbahan.
Bakit kailangang magsuot ng Roman collar ang mga pari?

Ang Roman collar ay palatandaan ng pagiging paring nakatalaga sa Panginoon. Ito ay nagpapatibay sa pansimbahang samahan at sa madla na bawa’t pari ay may sariling pagkakakilanlan at di pangkaraniwang pag-ukol sa Diyos. Ang Roman collar ay malinaw na palatandaan ng pari sa paglilingkod sa maysakit at nangangailangan sa ngalan ni Kristo. Ang Roman collar ay nagpapaalaala sa pari mismo ng kanyang misyon at pagkakakilanlan: na siya ay testigo para kay Hesukristo, ang Lubhang Dakilang Saserdote, bilang isa sa mga kapatiran ng mga kaparian. Ang kolyar ay matatag na paraan para ang mga inordinahang mga ministro ay mamuhay ng naayon sa kanilang sinumpaang bokasyon sa pribadong lugar man o sa harap ng sambayanan.
Bakit ang mga Katoliko ay kailangang ikumpisal ang mga kasalanan sa pari at hindi mismong sa Diyos?

Ang tuwirang kasagutan diyan ay sapagkat iyon ang pamamaraang ibig mangyari ng Diyos. Sa Santiago 5:16, itinatagubilin ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan na “ipagtapat natin ang ating mga kasalanan sa isa’t isa.” Kapuna-puna, hindi isinasaad sa Kasulatan na ipagtapat natin ang ating mga kasalanan mismo sa Diyos at tanging sa Diyos lamang … ang sinasabi dito ay ipagtapat natin ang ating mga kasalanan sa isa’t isa. Sa Mateo 9:6, sinasabi ni Hesus sa atin na binigyan Niya ng kapangyarihan sa lupa ang pagpapatawad ng mga kasalanan. Tinutukoy din sa Kasulatan sa talata 8, na ang kapangyarihang ito ay ipinagkaloob sa “mga lalaki” … pangmaramihan. Sa Juan 20:21-23, ano ang unang bagay na sinabi ni Hesus sa mga nakatipong mga disipulo sa gabi ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli? “Sinabi ni Hesus, ‘Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama isinusugo Ko rin kayo.’” Paano sinugo ng Ama si Hesus? Nakita natin sa Mateo 9 kung papaano sinugo ng Ama si Hesus ng may kapangyarihan sa lupa para magpatawad ng mga kasalanan. Ngayon naman, sinusugo ni Hesus ang Kanyang mga disipulo kung paano Siya isinugo ng Ama … kaya’t anong kapangyarihan ang ibinigay ni Hesus sa pagsugo Niya sa Kanyang mga disipulo? Ang kapangyarihan sa lupa para magpatawad ng mga kasalanan. Kung sakaling hindi pa rin nila nauunawaan ito, ang mga talatang 22-23 ang nagsasabi nito, “Pagkatapos, sila’y hiningahan Niya at sinabi, ‘Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patatawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.’” Bakit bibigyan ni Hesus ang mga Apostoles ng kapangyarihang magpatawad at hindi magpatawad ng mga kasalanan kung hindi Niya inaasahang and mga tao ay mangungumpisal nang kanilang mga kasalanan sa kanila? At paano sila makakapagpatawad o hindi makakapagpatawad kung walang mangungumpisal ng kanilang mga kasalanan sa kanila?

Sinasabi sa Bibliya na ipagtapat natin ang ating mga kasalanan sa isa’t isa. Sinasabi rin dito na binigyan ng Diyos ng kapahintulutan ang mga tao sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan. Sinugo ni Hesus ang Kanyang mga disipulo ng may kapahintulutan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan. Tuwing ang mga Katoliko ay mangungumpisal ng ating mga kasalanan sa pari, sumusunod lang tayo sa panukalang ibinigay ni Hesuskristo. Nagpapatawad Siya ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pari … ito ay kapangyarihan ng Diyos, na Kanyang isinasagawa sa pamamagitan ng ministerio ng pagkapari.
1-confession.mp3

MAGHANAP NG PAROKYA NA BABALIKAN.

Kailangan ng gabay sa paghanap ng parokyang malapit sa inyo?

HANAPIN NGAYON